Tuesday, August 2, 2011

Waiting Shed

Ang matamlay mong mga mata 
nakatitig sa kawalan 
nagmamasid sa parang 
walang hanggang pagpatak ng ulan.
Mga luha ng diyos na umaagos na parang ilog
Sa mga alulod ng mga gusali. 
Gusto kong umiyak. 
Umiyak sabay ng pagpagaspas ng hangin. 
Nang tulad ng ulan ang aking mga daing 
ay matangay sa kamalayang kawalan
Kung saan ito’y kailanma’y hindi na matatagpuan 

Umiiwas ka
Sa mga patak ng ulang dala ng hanging
Sa ating direksyon paparating
Ngunit kahit anong iwas mo
Nababasa ka pa rin
Nakita ko sa iyong mukha
Na bagot ka na
Kakaantay sa bagay na parang hindi na darating
Na tulad ko ikaw din ay gusto ng lumisan
Buti pa nga ang ulan
Saan man pumatak ay may patutuluyan
Eh tayo?

Hindi ko mawari
Ang nasa isipan mo
Tulad ko ikaw din ba ay naghahangad
Makauwi
O nais mo lamang makaalis
Sa gutter na nagmistulang langit
Sa imbyernang hatid ng tubig baha
Wala naman talagang patutuluyan
Nais mo lamang ay lumisan
Sa kung nasaan ka man

Gayunpaman parehas tayong
Nagaantay ng sundo sa purgatoryo
Langit man o impyerno
Hindi ko rin alam kung saan ako patungo
Hindi natin alam, 
walang may alam
Tanging ang ulan lang
ang may alam
Ng daloy ng mundong ating tinitirhan

No comments:

Post a Comment