Matapos ang kabi-kabilang kritisismo sa pagpapatupad ng malawakang smoking ban sa buong Metro Manila simula noong Mayo, ay muling humaharap sa isa na namang pagsubok ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Matatandaang noong ika-15 ng Agosto ay napagbigyan ni Mandaluyong City RTC Branch 213 Judge Carlos Valenzuela ang petisyon para magbigay ng temporary restraining order (TRO) laban sa anti-smoking drive ng MMDA. Nararapat nga bang isulong o pigilan ang ordinansang ito?
Ang ipinatutupad na smoking ban ay nagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar tulad ng bus terminals, waiting sheds, mga eskwelahan at ospital, pasyalan at sa loob ng mga public utility vehicle. Ayun sa MMDA, ito ay naglalayong protektahan ang mga Pilipino laban sa masasamang epekto ng secondhand smoke.
Bago pa man naipatupad ang nasabing ban ay mapapansin na sa loob pa lang ng UST ang pagkakaroon ng mahigpit na patakaran ukol sa paninigarilyo. Ayon kay Dr. Arlo Salvador ng Fakultad ng Sining at Panitik ay simula noong taong 2000 ay naipatupad na ang smoke-free campaign sa unibersidad. At ito raw ay nagdulot ng magandang epekto sa mga tomasino. Ngunit sa kabila ng sinasabing matagumpay na implementasyon ng patakarang ito, ay hindi maikakaila ang ilang pagtutol dito lalo na ng mga estudyanteng naninigarilyo. “Hindi ako sa hindi pabor sa smoking ban because I smoke. Pabor ako dun sa objectives, pero hindi sa mekanismo,” sabi ni Rogelio Mariano, Communication Arts Students’ Association (CASA) President. “Dapat siguro, before implementing it [smoking ban], inelaborate nila where the prohibition is applied and where it is lifted. Tsaka hindi kasi maayos talaga yung implementation,” dagdag pa niya.
Bilang isang komunidad, kinakailangan nating protektahan hindi lamang ang ating mga sarili kundi maging ang kapakanan ng ibang tao lalo pa’t kung ang kalusugan ang pag-uusapan. “Yung mga pag-yoyosi sa jeep at public transportation, ’yan talagang dapat ipa-ban yan. Kasi kung ikaw yung non-smoker, nakakasulasok naman talaga… In public places such as school zones, okay na yung set-up ng UST na bawal sa loob. Pero pagdating sa labas, choice mo na kasi kung didikit ka sa smoker,” ayon kay Mariano. Ngunit binigyang-diin naman ni Dr. Salvador na ang patakarang katulad nito ay mahalaga kung titingnan lamang raw ang kalagayan ng UST kung saan ay naging disiplinado ang mga tomasino simula nang maipatupad ang alituntunin ukol sa paninigarilyo. Ayun pa sakanya, nabawasan raw ang bilang ng mga tomasino na naninigarilyo sapagkat kinakailangan pa nilang [smokers] lumabas ng unibersidad para lang makapanigarilyo. Pinaliwanang naman ni Mariano ang kanyang pagsang-ayon sa responsible smoking, “I agree that smokers should smoke responsibly. That one’s right of choice to smoke is not higher to another’s right to live healthy”. “Kung may right ka mag-smoke, may right din ang mga non-smokers na magkaroon ng clean air… Kung gusto niyo manigarilyo, doon kayo sa private places,” dagdag pa ni Dr. Salvador.
Kung ating iisiping mabuti, maaring hindi nga smoking ban ang pangunahing solusyon sa problema ng matinding paninigarilyo at epekto nito sa bansa. Hindi kaya ang kinakailngan nating kalutasan ay ang pagsugpo sa mismong ugat nito? Hindi kaya panahon na para magising tayo sa katotohanang kailangan na natin ng pagbabago sa kalakaran ng mga negosyo sa bansa? “Kung ang concern ay yung environment, and yung health ng Filipinos as a nation, I firmly believe that merely banning smoking in places is ineffective. Mas kailangan natin ng mga batas at mas realistic na tugon, like banning the cigarette products itself talaga,” paliwanag ni Mariano.
Bilang mga Casan at Tomasino, nararapat lamang na isipin natin ang ikabubuti ng karamihan ng tao ukol sa usaping ito. “What I advocate instead is responsible smoking. Do not smoke in non-smoking areas, in closed spaces and be mindful of non-smokers. After smoking, throw your cigarette butts on the proper places. We are college students. Di na dapat bago satin itong mga bagay na ito,” dagdag pa Mariano.
Samantala, narito ang ilan pang mga opinyon tungkol sa isyung ito mula sa mga Casan:
“Pro-smoking ban ako dahil naniniwala ako this will help much in the students’ well-being. Isa pa, napapaganda nito ang reputasyon ng UST somehow. Pero nagging masyadong literal ang “no smoking premises” para sa akin. Dahil pag lumabas ka ng UST, makikita mo pa rin ang ibang tomasinong hindi sumusunod sa implementasyon.”
- Daniel Paul Marquez, 1CA1
“Di ako sangayon sa TRO; It will prove as a nuisance for the efforts of the MMDA and all its collaborators in its resolve for a healthier public (for the ones who do not smoke). Besides, kung puro setbacks at loopholes lang ang mangyayari, pano matututo ang mga tao na maging disiplinado sa mga regulasyon ng gobyerno natin? Hindi na nga natin masunod ang basic laws eh.”
- Alfredo Mendoza, 2CA3
“Kung sabagay, hindi naman maikakaila na wala naman talagang mabuting maidudulot ang paninigarilyo sa tao, kung kaya bakit ko hahayaang maging legal ang isang bagay na alam kong maaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng tao? Sa tingin ko tama lang iyon [smoking ban] para naman magkaroon tayo ng konting disiplina.”
- Celine tila, 3CA1
“Di ako sang-ayon sa TRO dahil tama lang ang pagba-ban sa paninigarilyo sa pambublikong lansangan. Pabor ako sa smoking ban bilang respeto sa mga hindi naninigarilyong tulad ko. Mas apektado kasi ang mga nakakalanghap nung usok kesa dun sa mismong naninigarilyo. Hindi naman kasi sila pinipigilang manigarilyo, sana lang dun sila sa mga lugar na itinalaga para sa kanila.”
- Eunisse de Leon, 3CA3
"Kung walang mabuting dulot ang paninigarilyo sa iyo, mabuting huwag na rin idamay ang kapwang katabi mo. Sangayon ako sa smoking ban. Alam natin na may kaliitan ang implikasyong dulot ng usok ng sigarilyo sa kalikasan, sana lang ay maging mas maalalahanin tayo sa kalusugan ng kapwa, kung hindi man ng sarili...”
- Kebinito Dadal, 3CA4
Bawat isa sa atin, bata man o matanda ay may karapatang mabuhay ng malaya at maging malaya. Ngunit kung ang kalayaang ito ang magdudulot ng masama lalo na sa ibang tao, ay kinakailangan nating pigilan ang paggamit ng kalayaang ito. Ang lahat ng smokers ay nararapat lamang na maging responsible sa lahat ng oras may smoking ban man o wala, dahil bilang mga Pilipino tayo ay may pakialam sa ating kapwa. Sa layunin naman ng pamahalaan na mapabuti ang mga alituntunin sa ating bansa, sana lamang ay maipatupad nila ang mga pagbabagong ito sa marangal at maayos na paraan. Kung patuloy man na maipatupad ang smoking ban na ito, sana rin ay maging intrumento ito ng pagbabago tungo sa isang mas maganda, mas mabuti at mas maunlad na Pilipinas.
No comments:
Post a Comment